Kapag sinabing ‘islang paraiso’ sa Pilipinas, wala kang ibang agad na maiisip kundi, Palawan. Ikaw man ay baguhan, dayuhan sa lugar na ito, o dito ka man isinilang at nagkaisip.

Ito ang islang kapag narating mo, ay tila ba ayaw mo na siyang lisanin…para kasing pag nandoon ka, maiisip mong nandoon na ang “forever” mo. Lugar kung saan gusto mong manatili, forever.

Sino nga ba naman sa mundo ang hindi nakakakilala sa lugar na ‘Palawan’? Kahit sino siguro, narinig na ang pangalang ito at kahit sino ay nangangarap na makita man lamang at maranasan ang makapag-travel papuntang Palawan.

Amazing island

Nitong buwan lamang ng Hulyo, kahit medyo may bigat tayong dinadala dahil sa pandemya dulot ng COVID-19, tumaas ang morale nating mga Palawenyo. Bigla tayong nabuhayan ng loob at mas lalong naging-proud sa ating lugar nang sa marami nang pagkakataon ay muli na namang itinanghal ngayong taon na “Best Island in the World” ng Travel+Leisure (T+L) magazine, na isang New York-based travel website ang ating ipinagmamalaking isla.

Sa inilabas nitong taunang listahan ng mga pinaka-nangungunang island destinations sa buong mundo, top 1 ang Palawan, na nakakuha ng score na 94.84. Ang nabanggit na score ay ibinigay ng mga mga magbabasa ng T+L magazine, at nakaranas at natamasa ang magagandang destinasyon sa paraisong isla.

Ayon nga sa writer ng T+L magazine, bagamat malayo ito mula sa mga lugar sa ibang dako ng mundo, kakaibang karanasan naman ang maibibigay nito sa ‘yo lalo na ang pag-dive sa World War wrecks sa Coron, ang mga luntian at century-old nang mga puno sa kagubatan, lalo na ang pamamangka sa tinagurian pa nitong ‘world’s longest subterranean river’ na matatagpuan sa Puerto Princesa. Ang pamosong Underground River na ito ay napabilang din sa ‘New 7 Wonders of Nature’.

Puerto Princesa Underground River (PIA file photo)

Ayon pa sa mga follower ng travel magazine, lubhang napakaganda ng mga tanawin maging ang mga pinakamagagandang beaches at resorts.

Nadaig pa nito ang tanyag na Paros sa Greece na may score na 90.55; maging ang Milos na binigyan ng score ng mga travelers na 90.55.

Kung matatandaan, hawak na rin ng Palawan ang titulong ito noong 2013, 2016, at maging nito lamang 2017.

Sino nga ba namang hindi mangangarap na marating ang islang ito sa Pilipinas, at sino nga ba namang taga Palawan ang hindi ipagmamalaki ang lugar na kaniyang maituturing na ‘safe haven’?

Proteksyon sa paraisong isla

Ipinagbubunyi ngayon ng Department of Tourism (DOT) ang panibago na namang pagkilala sa Palawan bilang ‘World’s Best Island’.

Kung kaya naman naniniwala si Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na bunga ito ng pagsisikap ng gobyerno na mapanatili ang ganda at natural ng mga dinarayong lugar sa lalawigan ng Palawan partikular na ang ginawang rehabilitasyon sa mga baybayin ng El Nido at Coron.

Nang maisakatuparan kasi ang rehabilitasyon sa mga baybayin ng nasabing mga pinaka dinarayong lugar sa Palawan, nanumbalik ang mas kaakit-akit at ligtas na kapaligiran nito.

Maging ang mga lokal na pamahalaan ng El Nido at Coron ay naging masigasig sa pagpapatupad ng mga polisiya at ordinansa upang maiwasang masalaula ang taglay na kagandahan ng kanilang mga ipinagmamalaking lugar.

Destinasyon ng turismo, hatid ay kabuhayan sa Palawenyo

Hindi lamang ang karanasan at paningin ng mga lokal man o dayuhang turista ang busog sa naggagandahan at kamangha-manghang mga tanawin at beaches sa paraisong isla, kundi maging ang ekonomiya ng lalawigan at mga naninirahan dito ay sagana rin.

Dahil sa turismo na hatid ng dinarayong lugar sa paraisong isla ng palawan, dumami ang trabaho at hanapbuhay ng mga mamamayan dito. (PIA file photo)

Turismo kasi ang pangunahing ikinabubuhay ng mga mamamayan sa lalawigan. Ang ibang sektor tulad ng pagsasaka at pangingisda, nasa hiwalay man itong aspeto, subalit, ang kinikita ng mga mangingisda at magsasaka ay may kaugnayan din sa industriya ng turismo.

Ang produkto ng nasabing sektor, ang mga hotels, restaurants, at mga pamilihan ang siyang bagsakan, na kinukunsumo naman ng mga turista.

Hindi magiging ganap ang malagong ekonomiya ng lalawigan at lungsod na siyang kinalalagyan ng isla, kung wala ang taglay nitong ganda na siyang humahalina sa mga turista.

Bagamat sa kasalukuyang panahon ay humaharap sa matinding hamon ang lokal na pamahalaan at mga mamamayan ng Palawan dahil sa pandemya, hindi nito matitinag ang taglay at natural na kinang ng paraisong isla dahil sa malaking ambag na disiplina at pagpapahalaga ng mga pamayanang bahagi nito. (Leila Dagot, PIA MIMAROPA)