“Lahat tayo ay may mabuting hangarin para sa kaunlaran ng bayan, kaya bigyan natin ng pagkakataong magbagong buhay ang mga nagnanais na magbago at magbalik-loob sa gobyerno,” Ito ang naging pahayag ni Brigadier General Nestor C. Herico, Commander ng Philippine Marines-3rd Marine Brigade sa isinagawang hand-over ceremony ng Happy House sa mga dating rebelde o former rebels (FRs) kamakailan.

Ang Happy House ang magsisilbing pansamantalang tahanan ng mga FR habang ang mga ito ay sumasailalim sa re-integration program bilang paghahanda sa kanilang pagbabalik sa kani-kanilang komunidad na isa nang produktibo at kapaki-pakinabang na mamamayan.

Top photo: Pormal na isinalin nina Philippine Marines-3rd Marine Brigade Commander BGen. Nestor C. Herico at Provincial Social Welfare and Development Officer Abigail Ablaña ang pangangalaga ng Happy House na itinayo sa loob ng Marine Barracks Rodolfo Punsalang sa Bgy. Tiniguiban, Puerto Princesa City sa mga former rebel (FR) bilang pansamantalang tirahan ng mga ito habang nasa proseso ng re-integration program. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

Naitayo ang Happy House sa loob mismo ng Marine Barracks Rodolfo Punsalang sa Bgy. Tiniguiban, Lungsod ng Puerto Princesa kung saan magkatuwang itong pinondohan ng Philippine Marines at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan. Tulong-tulong itong itinayo ng tropa ng Philippine Marines at mga CAFGU katuwang din ang mga FR.

Pormal itong isinalin sa pangangalaga ng mga FR sa pangunguna ni BGen. Herico at Provincial Social Welfare and Development Officer Abigail Ablaña ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan.

“Inihanda namin ang tirahang ito para sa kanila, may kuwarto para sa mag-asawa at pamilya nila, mayroon ding para sa lahat. Meron din kaming inihanda na crib para sa FR na bagong panganak, kasi gusto naming makita at maramdaman ng mga ito ang kaibahan ng buhay ng isang NPA or Communist Terrorist Group (CTG) na lumalaban sa gobyerno kumpara sa buhay ng isang sibilyan na kaagapay ng gobyerno sa pagsusulong ng kapayapaan”, pahayag pa ni BGen. Herico.

Nilagyan din ito ng mga bagong kagamitan, tulad ng refrigerator, washing maschine, television set, at mga gamit sa pagluluto.

Ang programang ito ng Philippine Marines ay isa lamang sa hangaring mawakasan ang armadong pakikibaka ng mga Communist Terrorist Group (CTG), na isa sa mga pangunahaing hangarin ng pamahalaan para sa patuloy na pag-unlad ng bawat komunidad sa bansa sa ilalim ng Executive No. 70 ng Pangulong Rodrigo R. Duterte o itong ‘Whole of Nation Approach to End Local Communist Armed Conflict’.

Sa tala ng PSWDO, mula 2013 ay umaabot na sa 156 FRs ang natulungan ng gobyerno. Ilan sa mga ito ang tulong pinansiyal mula sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng DILG at ang Local Social Integration Program (LSIP) naman ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan. (Orlan Jabagat, PIA MIMAROPA)