Isang matapat na taxi driver ang nagsauli ng halagang P150,000 cash at iPhone8 sa kanyang babaeng pasahero sa Ninoy Aquino International Airport.

Isinauli ng taxi driver na si Rodney Chad Mallari ng Peoples Network Transport noong Martes, July 3, 2018, sa kanyang pasaherong si Belen Zoza Swegler, isang US citizen, ang aksidenteng naiwang black pouch na may Php50,000.00 cash, $USD 2,000, mga credit cards, ID, at iPhone 8.

Ang 66-taong gulang na si Swegler ay dumating sa NAIA Terminal 2 galing sa Palawan at sumakay sa minamanehong airport accredited yellow taxi ni Mallari pauwi sa Newport, Pasay City.

Nang malaman ni Swegler na nawawala ang kanyang black pouch, agad siyang bumalik sa airport para humingi ng ayuda sa Terminal 2 police office.

Pabalik naman si Mallari sa Terminal 2 nang matagpuan niya ang black pouch ni Swegler sa kanyang minamanehong taxi. Agad ring pumunta si Mallari sa Terminal 2 police office upang ireport ang natagpuan nyang black pouch.

Nagkita ang dalawa at laking pasasalamat ni Swegler sa pagkabalik ng kanyang black pouch.

Sa huli ay bumalik si Swegler sa Newport City sakay uli sa minamanehong taxi ni Mallari.

Sinabi ni Manila International Airport Authority General Manager Ed Monreal na ipinagmamalaki niya ang mga NAIA accredited taxi driver tulad ni Mallari.

“Ako ay nagagalak sa katapatan ni Mr. Rodney Chad Mallari. Sana manatili siyang tapat sa kanyang trabaho at maging tunay na ehemplo ng kabutihan sa mga kapwa niya transport drivers. Ang mga maliliit na kabayanihang tulad ng kanyang ginawa ay malaking tulong sa ating efforts na mapaganda ang imahe ng NAIA sa mundo,” sinabi ni Monreal.

Photo: Ang matapat na taxi driver na si Rodney Chad Mallari na nagsauli ng pouch, naglalaman ng Php50,000.00 cash, $USD 2,000, mga credit cards, ID, at iPhone 8, na naiwan ni Belen Zoza Swegler. (Photo courtesy of MIAA)