Inanunsyo kamakailan ng Philippine National Volunteer Service Coordinating Agency (PNVSCA) ang pagbubukas sa publiko ng nominasyon para prestihyosong 2018 Search for Outstanding Volunteers (SOV) sa Pilipinas.

Ang award ay bilang pagkilala sa gawaing volunteerism para sa development at nation-building sa ating bansa.

Ang mga lehitimong maaaring inominate at mga Filipino citizens, Filipino volunteer organizations at local chapters ng foreign volunteer organizations na kasalukuyang nagbibigay ng volunteer assistance sa Pilipinas.

Ang award ay naglalayong i-highlight ang mga katangi-tanging dedikasyon ng mga Filipino volunteers para sa paglilingkod sa ating mga kababayan at mga komunidad.

Ang SOV ay mayroong dalawang kategorya: ang National Outstanding Volunteer Award (NOVA) at ang Volunteer Lifetime Achievement Award (VLAA).

Ang NOVA ay ibinibigay sa mga individual at organisasyon para sa outstanding volunteer service na nakapagdulot ng mahalagang kontribusyon upang maitaas ang kabuhayan ng pinaglingkurang pamayananan sa Pilipinas.

Ang NOVA nominee ay dapat 15-30 taong gulang para sa youth category at 31 taong gulang pataas naman para sa adult category.

Ang NOVA nominee ay kailangang nakapaglingkod ng volunteer assistance sa loob ng hindi bababa sa tatlong taon para sa youth category at limang taon naman para sa adult category.

Ang nominee ay dapat miyembro ng isang volunteer organization o institusyon na nalarehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC), sa PNVSCA, o sa isang duly recognized/accredited government institution; o kaya’y recognized na volunteer ng local government, local institution o pamayanang binibigyan ng volunteer services.

Para naman sa NOVA organization nominees, dapat ay nagbibigay ito ng consistent volunteer assistance sa loob ng limang taon para sa not-for-profit category at tatlong taon para sa corporate category.

Ang nominee organization ay dapat nakarehistro tulad ng sa individual nominee sa SEC, PNVSCA, accredited government organization, o recognized bilang volunteer ng local government, local institution o pamayanang binibigyan ng volunteer services.

Ang VLAA naman ay ibinibigay sa individual o organization para sa pagkilala sa kanilang consistent at outstanding volunteer service. Ang kanilang nagawa ay nagsisilbing insipirasyon at role model bilang mga volunteer.

Ang VLAA nominee ay dapat nakapagbigay ng consistent volunteering services sa loob ng 25 taon; nakatanggap na ng regional, national o international award na may kinalaman sa volunteerism at hindi nahusgahang guilty sa anumang krimen at offense ukol sa moral turpitude.

Ang mga nomination forms ay maaring idownload sa www.pnvsca.gov.ph, National Economic and Development Authority (NEDA) Regional Offices o sa Regional Planning and Development Office for the Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Ang mga nomination forms ay maaring isumite sa SOV Regional Search Committee sa lugar kung saan nakabase ang volunteer o volunteer organization hanggang July 15, 2018.