Pinatunayan ng mga Surigaonons ang kanilang gilas at lakas ng mapanalunan ng Bugsay Marajao ng Surigao City ang 200 meters standard open sa kauna-unahang Surigao International Dragon Boat Summer Festival na ginanap kamakailan sa may City Boulevard ng Lungsod ng Surigao.

Dalawampu’t apat na mga koponan mula sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas at bansang Malaysia, China, Canada at Hongkong ang nagpakita ng determinasyon sa ginanap na pabilisan ng pagsagwan.

Si Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar ang panauhing pandangal sa pagbukas ng kompetisyon.

Sinamahan naman siya ni Philippine Information Agency director-general Harold Clavite at PIA-Caraga regional director Abner Caga.

Sinabi ni Andanar na ang Dragon Boat na sport ay hindi lamang kasanayan ng lakas kundi pati na rin disiplina, sakripisyo at kooperasyon.

“Ang paligsahan na ito ay hindi ordinaryong eksibisyon ng kasanayan at lakas. Ito ay okasyon ng pagpapatunay ng teamwork, endurance, disiplina at mapagkumbabang pagsunod sa mga nakatakdang tuntunin, na naglalayog sa antas ng tagumpay gawa ng sariling kagalingan,” sabi ni Andanar.

Ipinagmalaki naman ni Surigao City Mayor Ernesto Matugas na ang nasabing internasyunal na kompetisyun na kauna-unahan sa Mindanao ay mabilis na paraan upang mapalakas pang lalo ang turismo ng lungsod.

“Lubos naming ikinagagalak ang presensya ng ating mga panauhin, kababayan at iba pang bisita lalung-lalo na ang pagsali ng iba’t ibang kopon na galing pa mismo sa magkaibang parte ng mundo. Inanyayahan din namin kayong lahat na tuklasin ang malaparaisong beach resorts at iba pang tourist destinations ng Surigao at probinsiya nito,” hikayat ni mayor Matugas.

Ipinaabot naman ni Surigao del Norte governor Sol Matugas at vice governor Arturo Carlos Egay, Jr. ang pagkalugod sa lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Surigao at ng Bugsay Pilipinas sa pagpapalaganap ng 1st Surigao International Dragon Boat Summer Festival sa siyudad.

“Isa na naman itong malaki makabuluhan at makasaysayang pangyayari na maipagmamalaki ng bawat Surigaonon,” sabi ni Gov. Matugas.

Maliban sa Bugsay Marajao ng Surigao City, nanalo din ang Leyteños Paddlers ng Tacloban City sa 200 meters small mixed minor category at naging champion din ang Kampilan Dragon Boat ng Davao City sa small mixed major category.

Ang iba pang panalo sa 200 meters standard open ay ang Sugbu Mighty dragins ng Cebu City (1st runner up); Rowers Club Philippines (RCP) Sea Dragons of Manila (2nd); Black Manta Warriors of Cebu City (3rd).

Para naman sa major final small mixed category ay ang Bugsay Marajao Team (1st); FSUU Blue Dragons of Butuan City (2nd); at Speed Devils (3rd).

Nakatanggap ng cash prize at iba pang insentibo ang mga nanalo at partisipante na siyang kasali sa nasabing humigit kumulang P3-M na overall budget para sa particular na okasyung ito.