Nakinabang ang isang paaralan sa bayan ng Capas, Tarlac sa Balikatan 2018 humanitarian assistance project.

Nag turn-over ang mga sundalong Pilipino, Amerikano at Australyano ng nakumpletong isang yunit, dalawang classroom na school building sa Calangitan Elementary School, Capas, Tarlac.

Sa ngalan ng mga sundalo, sinabi ni United States Marine Corps 9thEngineer Support Battalion Commanding Officer LTC. Soulynamma Pharathikoune na nais nilang tulungan ang mga guro sa paggabay sa susunod na henerasyon bilang mabuti at produktibong mamamayan ng Pilipinas.

Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni Tarlac Vice Governor Carlito David ang kahalagahan ng edukasyon sa paglaban sa kahirapan.

Makakatulong aniya ang konstrukyon ng mga silid-aralan sa pagtugon sa kakulangan ng mga klasrum na nakakaapekto sa pagkatuto ng mga estudyante.

Dagdag pa niya, ang school building na ito ay isang manipestasyon ng matibay ng ugnayan ng mga kalahok na bansa at ng pagpapatibay ng pagnanais na mapabuti ang kalidad ng edukasyon.

Samantala, nagpasalamat si School Principal Roberto Santos Jr. sa mga sundalo para sa kanilang serbisyo, pagsisikap at pakikipagtulungan sa pagsasakatotohanan ng kanilang pangarap.

Ang Balikatan ay taunang military exercises sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos. Naging kalahok na ang Australia simula noong 2014.

Photo source: CapasTarlac.gov.ph