Tumatanggap na ng mga nominasyon ang Provincial Planning and Development Office (PPDO) ng Lalawigan ng Bulacan para sa 2018 Gawad Dangal ng Lipi.

Ayon kay PPDO Head Arlene Pascual, layunin nito na kilalanin ang mga natatanging anak ng lalawigan na nakilala sa larangan ng Serbisyo Publiko, Propesyunal, Community Service, Entrepreneurship, Edukasyon, Agham at Teknolohiya, Sining at Kultura, Trade and Industry, Kalusugan, Agrikulutra at Isports. Kinikilala din ang mga Bulakenyo Expatriates.

Ang pagkakaloob ng natatanging pagkilala at pagpapahalaga sa taunang pagpili ng Dangal ng Lipi ay pagpapatunay lamang na ang lalawigan ng Bulacan ay hitik sa mga mamamayang mahuhusay, matatalino, masisipag at mapagpunyagi.

Ang pagpili at paggawad ng karangalan sa mga pangunahing Bulakenyo ay sinimulan noong 1974 at tinawag na Natatanging Bulakenyo Award.

Bilang pagkilala sa isang maganda at makabuluhang tradisyon, ang pagbibigay ng parangal ay ipingpapatuloy hanggang ngayon sa pangunguna ni Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado. Ang parangal ay tinaguriang “Gawad Dangal ng Lipi”, ang pinakamataas na karangalang ipinagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan sa natatanging anak ng Bulacan na nagtagumpay sa kani-kanilang larangan. Ito ang isa sa pinakatampok na gawain sa taunang pagdiriwang ng “Linggo ng Bulacan”.

May igagawad na ‘Ang Tanging Bulakenyo’ na pinakamataas na pagkilalang ipinagkakaloob sa isang nominado na pinakamahusay sa alinman sa mga nabanggit na kategorya at may natatanging kontribusyon sa lipunan.

Ang lahat ng mga nominado ay dapat ipinanganak sa Bulacan, residente ng lalawigan ng hindi bababa sa limang taon, at ang mga magulang ay Bulakenyo o residente ng hindi bababa sa limang taon.

Kung ang nominado ay asawa ng Bulakenyo o walang lahing Bulakenyo, dapat siya ay residente ng hindi bababa sa sampung taon na may katangi-tanging kontribusyon para sa pagpapabuti ng lalawigan.

Ang nominasyon ay tatanggapin sa PPDO hanggang Hunyo 30, 2018. Para sa mga katanungan, maaring kontakin ang mga numerong (044) 791-8176 to 77. Bisitahin ang https://www.bulacan.gov.ph/dangalnglipi/DNL2017.php para sa iba pang detalye.