Ikinatuwa ng Palasyo ang naging resulta ng pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).

“Record-low” ang naitalang bilang ng mga pamilyang nagsasabing mahirap sila, batay sa survey ng SWS. Bumaba sa 42% o nasa 9.8 milyon ang pamilya na maituturing na mahirap nitong Marso. Dalawang porsyento ito na mas mababa kaysa sa 44% na naitala noong Disyembre 2017.

Kabilang din sa parehas na survey ang pagbaba sa bilang ng mga pamilya na nagsasabing “poor” ang kanilang pagkain, mula 32% sa 29%.

Sa pahayag ng Palasyo, tiwala ito na epektibo ang mga hakbangin ng administrasyong Duterte para tiyakin na natutugunan ang pangangailangan ng bawat Pilipino.

“Our poverty-alleviation efforts are thus gaining ground as we continue to assure everyone that no one will be left in the Duterte administration,” sabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque.

Siniguro rin ng Palasyo na paiigtingin pa ng pamahalaan ang mga programa nito para sa mga mahihirap, tulad na lamang ng conditional cash transfer na inaasahang lalakas pa sa tulong ng kita mula sa comprehensive tax reform program.