Aabot sa $185.7 milyon o P9 bilyon ang halaga ng mga kasunduan ng pamumuhunan ang nilagdaan ng Pilipinas at Singapore.

Nilagdaan ang sampung investment agreement kasabay ng pagdalo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ika-32 Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Singapore mula 25-28 ng Abril, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).

Nasa 1,900 trabaho ang mabubuksan ng mga proyektong napagkasunduan ng mga kumpanya mula Pilipinas at Singapore, na pawang nasa industriya ng aviation; marine renewable energy; packaging; film manufacturing; information; communications technology; financial technology; water solutions; prefabricated projects; food and blockchain technology at sustainable urbanization.

Bukod sa mga kasunduan sa pagitan ng mga pribadong kumpanya, lumagda rin sina DTI Secretary Ramon Lopez at ASEAN Business Advisory Council chairman Robert Yap ng isang letter of intent (LOI) ukol sa isang feasibility study patungkol sa angkop na site para sa implementasyon ng isang online marketplace.

Dagdag pa dito ay ang LOI kasama si Lepack Packaging Pte. Ltd. director Lim Seong Nam para makabuo ng episyente at makabagong packaging para sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs).

Noong 2017, P2.13-bilyong investment mula Singapore ang naitala sa mga industriya ng electricity, gas, steam, at air conditioning supply.

Patuloy na hinihikayat ni Lopez ang Singapore business community na magpasok ng negosyo sa bansa.

“There are enormous opportunities for companies partnering with Philippines as the country is on its economic breakout. The 6.7 percent GDP growth, increasing consumer base, and highly-skilled and young workforce complement the various reforms and infrastructure programs of the government, as well as new policies in enhancing business environment and competitiveness,” pagmamalaki ni Lopez.