Isang masipag na ina at guro ang isa sa mga topnotcher ng 2017 bar examinations na si Krizza Fe Alcantara-Bagni.

Nagtapos ng abogasya sa St. Mary’s University sa kanyang hometown na Nueva Vizcaya, pinagsabay niya ang pag-abot sa kanyang pangarap na maging abogado habang inaalagaan ang kanyang anak at nagtuturo ng accountancy sa isang kolehiyo.

Ayon sa 22-anyos na abogado, nagkaroon ng pagkakataon na nais na niyang itigil ang pag-aaral ng Law dahil nawawalan na siya ng oras para sa kanyang sanggol.

“Paminsan, may klase at may break time, uuwi ako para makasama ang baby ko. Kakaunti ang time ko para sa anak ko,” sabi ni Bagni.

Ngunit naging malaking tulong din sa kanyang pagpupursigi ang suporta ng kanyang mga kaibigan at pamilya, tulad ng kanyang asawang si Marlon.

Bilang paghahanda sa bar examinations, kinailangan ni Bagni na lumuwas sa Maynila para sumailalim sa review lessons sa Maynila, kaya labis na lamang ang kanyang tuwa nang mabalitaan niya mula sa kanyang mga kaibigan na isa na siyang ganap na abogado, at pumawalo pa sa listahan ng mga qualifier.

“‘Di pa rin nagsisink-in. I’m overwhelmed,” wika ni Bagni.

Sa ngayon, ani Bagni, sabik na siyang makapaglingkod bilang abogado.