Binigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang babaeng overseas Filipino worker (OFW) sa Hong Kong ng tiket pauwi ng Pilipinas.

Katuparan ito sa kahilingan ni Alma Pardilla, 44 anyos na domestic worker, na makauwi sa bansa para kumustahin ang kalagayan ng kanyang mga anak.

Nakilala ni Duterte si Pardillo sa kanyang pagbisita sa isang branch ng sikat na Pinoy fastfood chain sa Hong Kong, kung saan kumain siya kasama ang kanyang pamilya at ang mga miyembro ng kanyang delegasyon.

Nangako rin si Duterte ng tulong para sa anak ni Pardillo na may sakit sa baga.

Ayon sa Palasyo, pinahintulutan naman ng amo ni Pardillo na magbakasyon siya nang dalawang linggo upang makapagbalik-bansa.

Mainit na sinalubong si Duterte ng crew ng nasabing fastfood chain, at nabigyan pa sila ng pagkakataon na makakuha ng retrato kasama ang pangulo.

Dumalo muna si Duterte sa Boao Forum for Asia sa Hainan, China bago lumipad patungong Hong Kong para kumustahin ang lagay ng Filipino community doon.