Nabibili na ang P39/kilo ng bigas sa ilang mga pamilihan sa Metro Manila matapos maghatid ng sako-sakong bagsak-presyong bigas ang mga private rice trader sa warehouse ng National Food Authority (NFA) kamakailan.

Ang 17 trak ng bigas na nanggaling sa Nueva Ecija Rice Millers Association ay bahagi ng programa nitong “Tulong sa Bayan,” na may layong punan ang kakulangan sa murang suplay ng bigas hangga’t hindi pa dumadating ang iniangkat na bigas ng NFA mula sa Vietnam at Thailand.

Nasa P43 ang presyo ng naturang bigas ngunit sadyang pinababa ang halaga nito para sa masa.

Base sa paglalarawan ng mga mamimiling nakapanayam ng PTV News, maikukumpara ang kalidad nito sa mga mamahaling klase ng bigas na naglalaro ang presyo mula P40 hanggang P50.

Sa kasalukuyan, ibinibenta na ito sa ilang palengke sa Commonwealth, Litex, Payatas, Tondo, at Talipapa.